Quarantine facility, binuksan sa lungsod ng Biñan
Written by DZAT on September 14, 2021
Magkakaroon na ng karagdagang suporta ang pamahalaang lungsod ng Biñan sa pagbibigay kalinga sa mga mamamayang nagpositibo sa Covid-19, matapos pansinayaan ang Biñan Quarantine Facility.
Ang bagong pasilidad ay matatagpuan sa Biñan People’s Center na nasa loob ng compound ng city hall.
Ayon kay Mayor Arman Dimaguila, ito ay tugon ng pamahalaang lungsod sa tumataas na bilang ng aktibong kaso ng sakit.
Bukod sa tulong medikal na maibibigay nito ay inaasahang maiiwasan na rin ang family clustering o pami-pamilyang hawaan ng Covid-19.
Matatandaan na minsan naging Mega Quarantine Facility ang Alonte Sports Arena ngunit hindi ito nagtagal at nilipat sa lungsod ng Calamba.
Batay sa tala ng pamahalaang lungsod nitong Setyembre 12, umakyat na sa 634 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na tinamaan ng Covid-19 sa lungsod matapos makapagtala ng karagdagang 105 na bagong kaso nito.
Dahil dito, pinapaalalahanan ang mga mamamayan na makipag-ugnayan sa bawat Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) gayundin sa City Health Office upang mabigyan ng tulong at makapagsagawa ng aksyon upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Source: PIA CALABARZON NEWS Website




